Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pinsala sa agrikultura at pangisdaan sa Masbate, umabot sa P200-M

$
0
0
Google Maps: Masbate

Google Maps: Masbate

MASBATE CITY, Philippines – Umabot na sa mahigit dalawandaang milyong piso ang iniwang pinsala sa agrikultura at palaisdaan ng bagyong Yolanda sa lalawigan ng Masbate.

Batay sa partial assessment ng Provincial Agriculture Office, tinatayang aabot sa sampung libong ektaryang pananim ng palay, mais, at niyogan ang nasalanta ng super typhoon.

“Ang pinakamalaking naapektuhan of course yung agriculture natin, agriculture in the sense na ang laking pinsala na ibinigay ni Yolanda sa atin… yung mga niyog harvest time na kasi. More or less right now yung assessment naming dumating sa punto na talagang malaki, it’s more than two hundred million right now sa agriculture and fisheries,” pahayag ni Masbate Governor Rizalina Dayan Seachon Lañete.

Sa kasagsagan ng bagyong Yolanda, umabot sa tinatayang apat na libong pamilya o katumbas ng mahigit 20-libong indibidwal ang inilikas at dinala sa mga itinalagang evacuation center ng pamahalaang panlalawigan.

Apat ang patay, habang 12 ang nasugatan sa paghagupit ng bagyong Yolanda sa lalawigan.

Sa ngayon ayon sa pamahalaang panlalawigan ay sapat pa ang supply ng relief goods na ipinamimigay sa mga naapektuhang residente, subalit humihingi naman ng karagdagang supply ng gamot si Governor Lañete para sa mga nangangailangan ng atensyong medikal.

Samantala, problema pa rin ang komunikasyon at supply ng kuryente sa lalawigan.

Ayon sa Masbate Electric Company o MASELCO, halos sampung porsiyento pa lang ng mga lugar sa Masbate ang may kuryente.

Mahigit dalawandaang poste ng kuryente kasi ang nabuwal sa lakas ng hangin na dala ng Bagyong Yolanda.

Ayon kay Junie Marcos, officer in charge ng MASELCO, tinatayang aabutin pa ng hanggang isang buwan bago tuluyang maibalik ang supply ng kuryente sa buong lalawigan.

“Ginagawa po namin ang lahat ng paraan, so far we have sufficient manpower also we have the help of the brigade of the AFP, we can fast track the rehabilitation of the power lines.”

Kahapon, Linggo ay nagsagawa na ng aerial survey ang lokal na pamahalaan ng Masbate kasama ang Philippine Army at Office of the Civil Defense upang alamin ang lawak ng pinsala ng Bagyong Yolanda sa lalawigan. (Gerry Galicia / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481