BORACAY, Philippines — Hindi rin nakaligtas ang isla ng Boracay, Aklan sa hagupit ni super typhoon Yolanda.
Ayon sa report na inilabas kahapon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC), umabot na sa kabuoang 4,105 pamilya o 18,693 indibidwal ang apektado ng bagyo.
Apat ang kumpirmadong nasawi sa buong lalawigan ng Aklan.
Ayon naman sa Malay Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), napinsala rin ng bagyo ang mga resort at beach houses sa isla.
Sa ngayon ay hindi pa makuha ang eksaktong bilang ng mga bangka, mga bahay, mga poste ng kuryente at mga kahoy ang winasak ng bagyo.
Ayon sa mga residente, tumagal ng limang oras ang pananalasa ni Yolanda sa isla na nag-umpisa ala-1 ng hapon hanggang ala-6 ng gabi.
Maraming mga residente ang inilikas sa mga evacuati0n center sa tatl0ng barangay ng isla.
Nawala ang supply ng kuryente alas-10 ng umaga noong Sabado matapos matumba ang nasa 70-80 porsyente ng mga poste ng kuryente.
Pinangangambahan namang maubos ang suplay ng krudo sa isla dahil mayroon lamang 3 tatlong maliliit na gasolinahan dito.
Maging ang linya ng komunikasyon gaya ng cellphone at internet ay naapektuhan rin ng bagyo.
Di rin madaanan ang highway mula Caticlan papuntang Kalibo dahil sa dami ng debris na nakaharang sa kalsada.
Patuloy na ang clearing operations at assessment sa halaga ng pinsalang iniwan ng Bagyong Yolanda. (Earl Camilo / Ruth Navales, UNTV News)