MANILA, Philippines — Nagpadala ang Philippine National Police (PNP) ng 600 pulis sa Tacloban upang maibalik ang katahimikan at maalis ang nagaganap na looting o nakawan ng mga pagkain at iba pang bagay sa lugar.
Target ng PNP na maibalik ang law and order sa Tacloban ngayong araw, Lunes.
“Police will restore peace and order taking Tacloban City inch by inch by end of the day we will be in control,” pahayag ni PNP chief, Director General Alan Purisima.
Binalaan naman ng pulisya ang mga taong pasimuno ng looting o pagnanakaw sa mga establisyemento.
Ayon sa pulisya, hindi sila makapanghuli ng mga nagnanakaw dahil wala silang mapagdadalahan para ikulong ang mga ito, dahil maging ang mga istasyon ng pulisya ay winasak din ng bagyong Yolanda.
“Sa isang grupo may tumatayong lider parang sugod mga kapatid,” saad pa ni Purisima.
Nagpadala na rin ng mahigit 60 pulis sa Capiz at mahigit 60 sa Ormoc, Leyte. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)