MANILA, Philippines — Ilang araw bago maglandfall ang bagyong Yolanda sa bansa, kabi-kabila na ang mga balita at paalala ng media at pamahalaan sa publiko upang makapaghanda.
Sa kabila nito, libu-libo ang posibleng nasawi dahil sa lakas ng hagupit ng bagyo.
Sa Tacloban lamang, nasa 10-libo na ang tantiya ng Philippine Red Cross na nasawi.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at lokal na pamahalaan ng Tacloban, nakapagsagawa naman ng pre-emptive evacuation sa lugar.
Subalit ang hindi inaasahan ng lahat ay ang mataas na storm surge na siyang naging dahilan ng biglaang pagtaas ng tubig sa dagat na siyang kumitil sa buhay ng marami nating mga kababayan.
“Tumugon din naman sila sa panawagan na mag-evacuate kaya nga lamang hindi inaasahan yung pagapaw ng tubig, yun ang rason kung bakit maraming nasira na establishment at maraming nalunod,” pahayag ni NDRRMC Spokesperson Major Reynaldo Balido.
Pinatunayan naman ni Tacloban Councilor Cristina Gonzales-Romualdez na totoo ang napaulat na marami ang namatay sa mismong evacuation center dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.
Bukod dito, may ilan din ang binalewa ang panawagan ng pamahalaan at nanatili sa kanilang mga tahanan.
Ayon sa NDRRMC, madalas daanan ng bagyo ang siyudad ng Tacloban, subalit ngayon lamang naranasan ng mga waray ang ganito kalakas na bagyo na itinuturing na isa sa pinakamalakas na bagyo sa kasaysayan sa buong mundo. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)