DAVAO CITY, Philippines — Nananawagan sa publiko ang Department of Social Welfare and Development Davao Region upang tumulong at mag-volunteer na magre-pack ng relief goods na ipadadala sa Leyte at Tacloban.
Ayon kay Director Precy Razon, Regional Director ng DSWD, anumang araw ngayong linggo ay inaasahang daragsa na ang mga donasyon mula sa mga Dabawenyo at foreign donors.
Nakatakda na ring magtungo ang 14 na social workers sa Tacloban at iba pang parte ng Leyte upang tumulong sa camp management at psychosocial support ng mga survivor.
Magpapadala din ng karagdagang volunteers ang kagawaran sa operation center sa Surigao City na pansamantalang tinutuluyan ng mga survivors sa Maasin at Ormoc, Leyte.
Sa ngayon ay may nakaantabay ng 10,000 family relief packs at 50,000 half liter bottled water at hinihintay na lamang ang C-130 plane na magsasakay sa mga ito. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)