MANILA, Philippines – Sampung libong pulis ang gagamitin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa pagbubukas ng klase ngayong Hunyo.
Maging ang trapiko at seguridad ng mga mag-aaral ay gagawing prayoridad ng mga pulis sa NCR.
Sinabi ni NCRPO Chief Leonardo Espina na inatasan na niya ang lahat ng commander nito na makipag koordinasyon sa pamunuan ng mga paaralan na kanilang nasasakupan upang mailatag ang kaukulang seguridad.
Kasama sa pag-uusapan ay ang pagtatalaga ng mga pulis sa loob ng mga paaralan.
“Depende sa usapan, if kailangang pumasok pwede. Lahat ng kriminal aarestuhin,” ani Espina.
Maglalagay din ang PNP ng mga police assistance desk sa mga paaralan sa darating na pasukan.
“Lahat ng mga dadating na maraming estudyante sa eskwelahan, pinababantayan natin sa mga pulis. Lalo na yung galing sa probinsya na bago bago pa dito sa Maynila at hindi alam ang direksyon so maglalagay tayo desk at beat patrols dito sa Metro Manila,” pahayag ni PNP Chief Director General Alan Purisima.
Bukod sa kaligtasan ng mga estudyante, mahigpit ring babantayan ng mga pulis ang presyo ng school supplies.
“Bilihan ngayon ng school supplies, may suggested retail price na ang DTI, inspect natin para walang overpricing, walang magsasamantala,” pahayag pa ni Espina.
Kasabay nito, pinapayuhan rin ng NCRPO ang mga magaaral upang makaiwas sa mga masasamang loob.
“Don’t talk to strangers. If wala pa sundo, huwag munang lumabas ng paaralan,” pahayag pa ni Espina. (Victor Cosare & Ruth Navales, UNTV News)