MANILA, Philippines — Maraming residente na ang umaalis sa Tacloban City at nagtutungo sa Luzon dahil sa matinding pinsalang iniwan ng Bagyong Yolanda di lamang sa kanilang mga ari-arian kundi maging sa kanilang mga buhay.
Pasado alas-12 ng tanghali kanina, nang dumating sa Villamor Airbase sa Pasay City ang C-130 aircraft ng US Marines lulan ang mga matatanda, ilang maysakit at mga bata mula sa Tacloban City.
Ayon sa mga lumikas na residente, bukod sa trauma na kanilang sinapit ay wala na rin umano silang makain.
“Apat kamag-anak ko maysakit kinuha kami. May chaos, you can’t buy anything I would rather be away from Tacloban uncomfortable,” pahayag ni Jun Babola.
Kwento naman ni Ginang Norma Consumo, wala na silang babalikang bahay at ari-arian dahil nawasak lahat ng bagyo.
“Grabe na disaster ang tsunami ubos Eastern Leyte.”
Dagdag pa nito, “siguro after 2 years pag-maupay na pero gutom ang mga tao walang kabuhayan lahat.”
Ang pamilya Peñalosa naman, tatlong araw na naghintay sa Tacloban Airport makasakay lang ng C-130. Nag-aalala man umano sila sa mga naiwan nilang kaanak, wala silang ibang opsyon kundi umalis dahil sa sitwasyon sa lungsod.
“Mga NPA at bilanggo nasa labas iba. Every night di kami makatulog ng maganda kaya we decide to move put kasi mahirap minsan nagpuputukan, NPA rubout ng pagkain, yung iba nagrerape,” pahayag ni Jane Peñalosa.
Ayon sa mga lumikas na residente, pansamantala muna silang makikituloy sa kanilang mga kamag-anak sa Luzon, habang ang iba naman ay wala pang tiyak na mapupuntahan.
“Nagbabakasakali, importante makaalis doon kasi yung security iniisip namin tsaka yug amoy di maganda matagal makuha mga bangkay,” saad pa ni Jane.
Agad namang isinailalim sa counselling ang mga ito dahil sa stress at trauma na kanilang pinagdaanan.
“Ang trauma kasi kakaiba nakakaapekto sa iba-ibang aspeto, sa isip emosyon sa katawan pag-uugali saka kamalayan. Karamihan ay bumababa ang lebel ng performance at ibinababalik through emotional first aid,” pahayag ng Psychologist na si Leo De La Cruz.
Nakaalis man sa hirap sa Tacloban, may apela naman sa pamahalaan ang mga biktima para sa kanilang naiwang mga kababayan.
“Sana ang daming donasyon sana makaratig sa mga tao di mapunta sa mga mayayaman sa mayor vice mayor,” panawagan ni Norma Consumo.
Samantala, kung may mga umaalis ng Tacloban ay may mga taong nagtungo ng Air Force base at nagbabakasakali na makasakay ng C-130 papuntang Leyte upang makumusta ang kanilang mga kamag anak. (Victor Cosare / Ruth Navales, UNTV News)