MANILA, Philippines — Gumawa na rin ng inisiyatibo ang ilang host ng programang Good Morning Kuya (GMK) ng UNTV (Your Public Service Channel) upang makalikom ng pondo na maaari nilang itulong sa mga nawalan ng bahay at kabuhayan sa Eastern Visayas.
Nagsimula nang magbenta ang mga ito ng kanilang mga personal na gamit sa pangunguna ni Kuya Daniel Razon gaya ng bag, relo, damit, gadgets at iba pa.
“Hindi po auction ito, sale po talaga ito ibebenta na lang kung sino po unang magbayad at mag-say ng mine,” pahayag ni Atty. Regie Tongol, GMK host.
Dagdag pa nito, may pondo na rin silang nalikom galing sa mga kababayan natin sa ibang bansa na nagnanais rin na makatulong sa ating mga kababayan sa Visayas.
“As of now Kuya, we have around 800 Australian dollars na pledge ng mga taga-Australia na isasama sa overall fund nalilikumin natin.”
Ayon pa sa mga host, sorpresa na rin nila ito kay Kuya Daniel sa kaniyang nalalapit na kaarawan.
Ayon kay Kuya, “initiative po yan nitong ating mga kasamang host, sila yung nagusap-usap diyan, di ko naman inimando sa kanila yan.”
“Actually day gift namin ito sa iyo Kuya,” ani Atty. Regie.
Maging si Kuya Daniel ay magbibigay ng kanyang mga gamit upang isama sa mga maaaring ibenta tulad ng sapatos, at mga damit na ginamit nito sa kanyang pelikulang “Isang Araw”.
Ayon kay Kuya, ito ay isa lamang sa nakikitang niyang hakbang upang matiyak na makaaabot sa ating mga kababayan ang tulong.
“Tayo po ina-avoid rin natin yung maglalagay tayo ng account number ayaw po naman natin ng mga ganun so we exert our effort just like itong gnagawa ng ating mga host na yung kanilang sariling mga gamit ang kanilang binebenta para yung proceeds naman ay madala sa mga dapat na mapuntahan.”
Nanawagan rin ito sa ating mga kababayan na imbes na magsisihan ay magtulungan na lamang. Nanawagan din ito sa mga negosyante na huwag naman sanang samantalahin ang sitwasyon.
“Wag naman po natin samantalahin din yung mga ganitong pagkakataon kasi may mga balita tayo na yung iba nagtataas pa ng presyo at sinasamantala ang sitwasyon, hindi nyo rin ho mapapakinabangan yan pag kayo naman ang inabot ng ganyang klase ng kalamidad. Sana ho mas magkaroon tayo ng sentido ng pagdamay ngayon sa ating mga kapwa,” saad pa ni Kuya Daniel. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)