MANILA, Philippines — Magkakaloob ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng emergency employment sa mga sinalanta ng Bagyong Yolanda.
Ayon kay DOLE Director Nicon Fameronag, nangangailangan sila ng mahigit 12-libong trabahador na tutulong sa paggawa ng bunk houses.
Aniya, bawat mangagawa ay tatanggap ng P250 na minimum sa loob ng labin-limang araw.
“Yung emergency employment program yung unang maha-hire ay magsasagawa ng trabaho sa pagtatayo ng mga bunk houses, katuwang namin dito ang LGU, DILG.”
Hinihikayat naman ng DOLE ang mga manggagawang umalis sa mga lugar na sinalanta ng bagyo na magpatala sa Public Employment Services Office o PESO upang makakuha ng trabaho sa nalalapit na jobs fair.
Pwede ring mag-register sa online job search na www.phil-job.net.
“Kung ikaw ay taga Leyte at lumipat sa Maynila, hinihimok ni kalihim Linda Baldoz ang mga manggagawa na nag-evacuate na mag-register sa PESO at mag-avail ng mga oportunidad sa nalalabi pa naming job fair,” saad pa ni Fameronag.
Samantala, inaalam pa ngayon ng DOLE kung ilan ang mga nawalan ng trabaho at kung anu-anong mga kumpanya ang tuluyan nang magsasara sa mga lugar na apektado ng Bagyong Yolanda. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)