MANILA, Philippines — Sa unanimous na botohan ng mga mahistrado, idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional o labag sa Saligang Batas ng Pilipinas ang Priority Development Assistance Fund o PDAF ng mga mambabatas.
Sakop ng desisyon ang buong PDAF ngayong taon at ang lahat ng pork barrel ng mga mambabatas sa nakalipas na mga taon.
Maging ang Country-Wide Development Fund o CDF na nagsimula pa noong 1990 sa panahon ni dating pangulong Cory Aquino ay idineklara ding ilegal ng Korte Suprema.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty. Theodore Te, ilegal din ayon sa korte ang congressional insertions at iba pang mga lump sum allocation sa mga mambabatas.
“In a decision promulgated today, the Court en banc (voting 14-0-1) partially granted the three consolidated petitions challenging the constitutionality of PDAF system. The Court, speaking through Justice Estela Perlas-Bernabe, ruled that the pork barrel system is unconstitutional.”
Nilimitahan naman ng Korte Suprema ang paggamit sa Malampaya fund at Presidential Social Fund o PSF na itinuturing din na pork barrel ng pangulo.
Ayon sa korte, ilegal ang paggamit ng Malampaya fund sa ibang mga proyekto na labas sa mga proyektong may kinalaman sa enerhiya.
Sinabi rin ng korte na ilegal ang paggamit ng Presidential Social Fund sa mga infrastructure projects.
“In view of the constitutional violations discussed in this decision, the Court hereby declares as unconstitutional:”
“The phrases “and for such other purposes as may be hereafter directed by the President” under Sec 8 of PD 910 and “to finance the priority infrastructure projects” under Sec 12 of PD 1869, as amended by PD 1993 for both failing the sufficient standard test of the principle of non-delegability of legislative power,” saad pa ni Atty. Te.
Kasunod nito ay ginawang permanente ng korte ang TRO laban sa pagpapalabas ng natitira pang pondo ng PDAF para sa taong ito at sa nakalipas na mga taon.
Sa halip ay ipinababalik ito ng korte sa kaban ng gobyerno.
Permanente na ring ipinagbabawal ng korte na gamitin ang Malampaya fund sa ibang mga proyekto maliban na sa mga proyektong may kinalaman sa enerhiya.
Ang Presidential Social Fund naman bawal na ring gamitin sa mga proyektong pang-imprastraktura.
Ayon kay Atty. Te, “said funds covered by this permanent injunction shall not be disbursed/released but instead returned to the coffers of the government, except for the funds covered by the Malampaya Funds and the Presidential Social Fund which shall remain therein to be utilized for their respective special purposes not otherwise declared unconstitutional.”
Iniutos din ng korte na imbestigahan at sampahan ng kaukulang kaso ang mga opisyal ng gobyerno at mga pribadong indibidwal na posibleng may pananagutan sa ilegal na pagpapalabas at paggamit ng pondo sa ilalim ng pork barrel system.
“Finally, the Court hereby directs all prosecutorial organs of the govt to, within the bounds of reasonable dispatch, investigate and accordingly prosecute all govt officials and/or private individuals for possible criminal offenses related to the irregular, improper and/or unlawful disbursement/utilization of all funds under the pork barrel system.”
Immediately executory ang desisyon ng Korte Suprema at saklaw nito ang mga kaparehong usapin sa pork barrel sa hinaharap.
Lahat ng mahistrado ng Supreme Court ay pumabor sa desisyon na sinulat ni Associate Justice Estela Perlas Bernabe.
Nag-inhibit naman sa kaso si Justice Presbitero Velasco dahil may anak itong kongresista. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)