MANILA, Philippines — Nagwagi bilang song of the week ang kauna-unahang entry mula sa premyadong action star at direktor na si Cesar Montano sa A Song of Praise o ASOP Music Festival para sa pangatlong Linggo ng Nobyembre.
Sa rendisyon ng bokalista ng bandang kenyo na si Mcoy Fundales, naantig sa awiting “Sa Awit Kong Ito” ang damdamin ng mga huradong sina Mon Del Rosario, Siquijor Vice-Governor Dingdong Avanzado at ang actress/singer na si Sheryl Cruz.
“Nagre-rehearse pa lang, lumuluha ako. Pinipigil ko lang ‘yung luha ko. Nagtatago ako dahil may tao eh. Nandun ako. Grabe, sabi ko sa sarili ko, nagdasal nga ako, thank you Lord at binigyan mo ‘ko ng napakagaling na interpreter,” pahayag ng aktor.
Ipinagmalaki pa ni Cesar na ang kanyang mga anak ang naging una nyang kritiko sa naturang awit.
“Kapag nagugustuhan nila ‘yung kanta, madaling dumidikit sa kanila ‘yung kanta, they like it, ‘yung sabi ko, mukhang okey ‘yun. Kasi natural singers ‘yan. Mga musikero ‘yung mga bata, mga anak ko e. Eh, kasi mga Cruz din ‘yan e syempre kaya mahuhusay silang kumapa kung magaling ‘yung kanta. They get bored kapag hindi nila gusto ‘yung kanta,” saad pa ni Cesar.
Maging ang interpreter na si Mcoy ay may sariling kwento tungkol sa naturang awit.
Pahayag nito, “Pagkatapos kong mag-rehearse, nakikita ko ‘yung nanay ko, nakasilip, nakikinig. So, siguro mangiyak-ngiyak, “anak, nagbago ka na.” Akala niya siguro ako ang sumulat. “hindi,” sabi ko, “si Cesar Montano ang sumulat.” Sabi niya, “dapat kantahin mo ‘yan.” Fan pala ni Kuya Buboy.”
Nagpapasalamat naman si Cesar kay Bro. Eli Soriano at Kuya Daniel Razon sa pagkakaroon ng programa sa UNTV na katulad ng ASOP.
Aniya, “I love this concept and para po sa dalawa ang message ko, may God bless you na nagkaroon… ginawa niyo itong concept na ‘to. Kaya nandidito ako, hindi talaga makipagkumpetensya, but to support this because I know this is a good program. This is a perfect, excellent concept.” (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)