MANILA, Philippines — Apat na taon na ang nakalilipas mula nang maganap ang karumaldumal na pagpaslang sa 58 tao kabilang ang 37 mga mamamahayag sa Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
Subalit hanggang sa kasalukuyan ay tila mailap pa rin ang hustisya sa mga kaanak ng mga biktima.
Kaugnay nito, tinawag ni Prof. Danny Arao ng UP College of MassCom na “impunity king” si Pangulong Benigno Aquino III dahil sa kawalan ng aksyon sa kaso.
“Ang itatawag po natin sa kanya ay impunity king dahil sa kawalan ng hustisya sa karumal-dumal na krimen na nangyari apat na taon na ang nakalilipas,” saad ni Prof. Arao.
Dahil sa mistulang pagdidilim na ng kaso, magsasagawa naman ng candle lighting ang National Press Club (NPC).
Ayon kay NPC President Benny Antiporda, “wag po tayong titigil hangga’t hindi natin nakakamit ang hustisya.”
Hindi naman daw palalampasin ng mga kaanak ng mga biktima ang pagkakataon para sampahan ng reklamo sa United Nations Commission on Human Rights (UNCHR) si Pangulong Aquino.
Ayon kay Private Prosecutor Harry Roque Jr., ito ay dahil sa kabiguan ng pamahalaang Aquino na bigyan ng kompensasyon ang mga kaanak ng mga biktima ng massacre.
“Ang kanilang reklamo po ay matapos ang apat na taon kung saan nagkaroon po ng paglabag ng karapatang mabuhay ng kanilang mga kaanak ay wala pa kahit anong kompensasyon na naibibigay ang gobyerno.”
Dagdag pa nito, “malinaw na sinabi ng Malakanyang na hindi daw magbabayad ng kompensasyon ang rehimeng Aquino ng kompensasyon sa biktima ng Ampatuan massacre dahil hindi daw sila ang pumatay sa mga biktima, hindi nila nalalaman ang law on state responsibility.”
Hinihiling naman ng grupong KARAPATAN ang resignasyon ng pangulo kung hindi umano nito kayang ipagtanggol ang kanyang mga mamamayan. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)