MANILA, Philippines — Gumawa ng human chain ang mga kaanak ng mga Maguindanao massacre victims at ilang grupo sa Roxas Boulevard nitong Biyernes, Nobyembre 22, 2013. Ito ay bahagi ng mga serye ng pagkilos mula sa National Union of Journalist of the Philippines para sa ika-apat na taon ng Maguindanao massacre.
Kasama nila ang ilan sa mga kaanak ng mga biktima upang sama-samang humingi ng hustisya.
Nais ng mga kaanak ng mga biktima at ng NUJP na maibalik sa ala-ala ng lahat at huwag mabaon sa limot ang karumaldumal na pagpaslang sa limamput walong tao sa Ampatuan, Maguindanao na tatlumput dalawa sa mga ito ay miyembro ng media.
Malaking bahagi din ang ginagampanan ng media upang maipaabot sa tao ang katarungang matagal ng inaasam ng mga biktima.
Kasama din sa inihandang programa ay ang pagbisita mismo sa lugar na pinangyarihan ng pamamaslang sa Maguindanao na isinagawang kasabay sa bayan ng Ampatuan.
Bukod sa mga kaanak ng mga biktima, nakiisa din sa pagtitipon ang ilang estudyante na nakikiisa sa panawagan ng paghanap sa hustisya.
Hanggang sa ngayon, nasa kalahati pa lamang ng kabuuang bilang ng mga akusado ang naaaresto at nahaharap sa paglilitis sa Quezon City Court.
Ngayong araw, Nobyembre 23, inaasahan na mas malaking pagkilos ang magaganap hindi lamang dito sa Metro Manila kundi sa ibat ibang bahagi ng bansa na kaugnay pa rin ng ika-apat na taon mula ng magananap ang Maguindanao massacre.
Isang maliit na programa din ang inihanda ng NUJP, at kasama sa panawagan ang paghanap ng katarungang sa ilan pang mga media killing sa bansa na hanggang sa ngayon ay hindi pa nabibigyan ng hustisya. (MON JOCSON, UNTV News)