QUEZON CITY, Philippines — Umabot na sa mahigit limang libo at dalawandaan ang naitalang nasawi sa pananalasa ng Bagyong Yolanda.
Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, nasa dalawampu’t limang libo, limandaan at limampu’t siyam ang naitalang sugatan habang isanlibo at anim naraan naman ang patuloy pang nawawala.
Umakyat na rin sa dalawampu’t apat na bilyong piso ang naitalang halaga ng iniwang pinsala ni Yolanda sa agrikultura at imprastraktura.
Iniulat din ng NDRRMC na wala pa ring suplay ng tubig hanggang ngayon sa ilang bahagi ng Antique, Capiz at Iloilo habang nagpatupad naman ng pagrarasyon sa Coron, Palawan.
Naibalik naman ang suplay ng kuryente sa Ormoc City, Leyte pati na sa apat na bayan sa lalawigan ng Iloilo habang nananatili ang power outage sa ilang bahagi ng Eastern Visayas, Cebu at Regions 4B, 5 at 6. (UNTV News)