CALOOCAN, Philippines — Pasok na sa grand finals ng A Song of Praise o ASOP Music Festival Year 3 ang likhang awit na “Sa Awit Kong Ito” ng premyadong aktor at direktor na si Cesar Montano.
Sa rendisyon ng band vocalist na si Mcoy Fundales, nakuha ng naturang awit ang atensyon ng mga huradong sina Dingdong Avanzado, Sheryl Cruz at Mon del Rosario.
Ani Cesar, “Ako, I’m so excited. I’m looking forward to what’s gonna happen. Actually, mapasa lang doon, itong nangyari ngayon, kabilang na kami doon. Hallelujah! Talagang napakasarap na experience sabi nga ni Mcoy. Ito lang experience na ‘to, bonus na. Sobrang bonus na ng Panginoon.”
Pahayag naman ng winning interpreter na si Mcoy, “Ramdam ko na e. The more you sing it, sabi nga, wala na. Siguro sa grand finals, lalo. Baka humagulgol na ‘ko sa stage! Hindi ko na mapigil! Baka nasa bone marrow ko na ‘yung kanta.”
Bilang isa naman sa nagsusulong ng OPM sa bansa, ikinatuwa ni Mcoy ang pagsali ni Cesar sa ASOP.
Ani Mcoy kay Cesar, “Ako lang Kuya Cesar, I just like to let you know lang that you have become a big inspiration to the young songwriters na Cesar Montano ka na, you know, you joined ASOP.”
Dagdag pa ni Mcoy, “So let him be an inspiration sa lahat ng gustong sumulat.”
Ipinagmalaki pa ng action star na napasali ang kanyang obra sa ASOP.
Pahayag ni Montano, “Ito naman is malaking bagay sa’kin ‘to kasi hindi naman ako Cesar Montano, I’m nobody before God. I’m nobody. Everything I have right now is lahat galing lang naman sa Kanya kaya wala akong maipagmamalaki. Kaya nga ko sumali dito, ‘yun nga ang unang-unang dahilan ko kaya ako sumali dito because it’s about praising God.”
Tinalo ng awit ni Cesar ang mga entry nina Virgilio Soliman na “Salamat Ama” na inawit ni Jerome Abalos at “Ikaw ang Kailangan Ko” ni Kristine Brigette Ramos na ininterpret naman ni Freestyle vocalist Ava Olivia Santos.
Bago naman i-announce ang winner, nagpaunlak naman sa pag-awit ng isa sa kanyang hit song ang huradong si Sheryl Cruz
Ang awit ni Cesar Montano na “Sa Awit Kong Ito” ay mapapasama na sa commemorative album ng ASOP Year 3 Finals. (ADJES CARREON / UNTV News)