MANILA, Philippines – Tiniyak ng Department of Tourism (DOT) na magiging maayos ang pakikitungo ng mga Pilipino sa mga Taiwanese visitor sa bansa.
Ito ay sa kabila ng mga ulat na pangmamaltrato sa mga Pilipino sa Taiwan dahil sa pagkasawi ng isang mangingisdang Taiwanese sa Balintang Channel noong nakaraang Linggo.
Ayon kay Tourism Spokesman, Assistant Secretary Benito Bengzon, likas sa mga Pilipino ang pagiging magiliw sa mga bisita.
“Wala namang danger, wala namang panganib dahil Filipinos have always been very friendly, hospitable to all nationalities. So visitors from Taiwan should not worry about anything.”
Gayunman, hindi pa rin maiiwasan ang pangamba na maaaring bumaba ang Taiwanese arrivals sa bansa bunsod ng insidente.
Batay sa tala ng DOT, ang Taiwan ang pang-lima sa pinakamalaking tourism market ng Pilipinas.
Sa kabila nito, nakahanda naman ang pamahalaan na gumawa ng adjustment kung kinakailangan.
“It will have an effect on overall arrivals in the Philippines. Taiwan has always been an important source market for the Philippines but we are ready to adjust accordingly,” pahayag pa ni Bengzon. (Francis Rivera & Ruth Navales, UNTV News)