Oklahoma City – Inilabas na ng mga opisyal ng Oklahoma ang kumpirmadong bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng tornado.
Mula sa unang iniulat ng Oklahoma State Medical Examiner’s Office na mahigit limampung bangkay, ibinaba ito sa 24 kung saan 7 dito ay mga bata.
Paglilinaw ni Amy Elliott, ang Chief Administrative Officer for the Medical Examiner, posibleng nadoble ang bilang ng mga nasawi.
Sa kasalukuyan ay nasa dalawandaan na ang iniulat na nasugatan at animnapu sa mga ito ay mga bata.
Samantala, kasabay ng pananalasa ng tornado ay umulan rin ng yelo na kasing laki ng bola ng baseball sa Norman, Oklahoma.
Ayon sa ulat ng National Weather Service, naibaba ang tornado warning halos labing-anim na minuto bago ito rumagasa.
Tumagal ang naturang tornado ng halos 40-minuto na may lakas na 166 hanggang 200 miles per hour o katumbas ng 321 kilometers per hour.
Naapektuhan ng tornado ang ilang mga bahay, mga paaralan kabilang ang Plaza Towers Elementary School at Briarwood Elementary School, at ang Metropolitan City ng Oklahoma.
Dahil sa tindi ng pinsala, idineklara na ni US President Barack Obama na major disaster area ang Oklahoma.
Iniutos din nito ang federal aid bilang pandagdag tulong sa Oklahoma at sa recovery efforts na isinasagawa sa Moore na isa sa matinding timaan ng tornado.
Sa ngayon patuloy pa ang isinasagawang search at rescue operations lalo na sa mga eskwelahan na pinaniniwalaang may mga nadaganan pa ng debris.
Tiniyak naman ng Philippine consulate sa Chicago na walang Pilipino na nadamay sa pananalasa ng tornado sa Oklahoma at ibang lugar sa midwest ng Estados Unidos. (UNTV News)