DAVAO CITY, Philippines — Umabot na sa 136 na mga pamilya o katumbas ng 400 indibidwal mula sa mga binagyong lugar sa Visayas Region ang dumating sa Davao City upang pansamantalang manirahan.
Ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) Region 11, linggo- linggo ay nadaragdagan ang mga dumadating na survivors dahil hirap pa rin ang mga ito na makapagsimulang muli sa kanilang lugar.
Patuloy din ang pagbibigay ng relief assistance ng DSWD sa mga lumilikas na survivors sa Region 11.
Ayon kay DSWD Region 11 Director Precy Razon, bukod sa relief assistance ay tinutulungan rin nila ang mga biktima na makahanap ng maayos na trabaho lalo na ang mga skilled workers.
“We continue to assist these families by provision of health services kasi karamihan sa kanila may mga buntis, may mga sakit, yung mga bata, so we refer them to SPMC and then the city health and of course psychosocial stress debriefing binibigyan po natin and continues relief packs,” pahayag ni Razon.
Kasabay nito ay kinukumbinse rin ng DSWD ang mga survivor na muling bumalik sa Tacloban at Leyte kapag naka-recover na.
Samantala, patuloy din ang pagtulong ng militar mula sa Eastern Mindanao Command (EastMinCom) sa reconstruction ng mga tahanan, eskwelahan at iba pang vital installations na sinira ng Bagyong Yolanda.
Gayunpaman, sinabi ni EastMinCom Spokesman, Lt. Col. Lyndon Paniza na kinukulang na sila ng mga pako, yero at kahoy at iba pang kagamitan sa paggawa ng temporary shelter.
“Nananawagan po kami na kung puwedeng makatulong sa pagbigay ng mga construction materials basic construction materials para sa paggawa ng isang maliit na kubo so that may masilungan ang ating mga kababayan doon sa Visayas na nasalanta ng bagyo,” anang opisyal.
Sa mga nagnanais tumulong, maaaring dalhin ang mga donasyon sa Regional Interagency Relief Operations Center sa DPWH depot sa Panacan, Davao City. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)