MANILA, Philippines – Inamin ni dating senador Panfilo Lacson na malaking hamon para sa kanya ang pagiging rehabilitation czar.
Sa panayam ng Get It Straight with Daniel Razon nitong umaga ng Lunes, inihayag nitong tinanggap na niya nitong Linggo ang alok ni Pangulong Benigno Aquino III na maging rehabilitation czar.
Trabaho ng isang rehabilitation czar na pangasiwaan ang mga pondo na nagagamit para sa rehabilitasyon ng mga nasirang imprastraktura at rekonstraksyon dahil sa kalamidad, at makipag coordinate sa mga ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa dating senador, ang budget ng rehabilitation czar ay aabutin ng P40.9 billion batay sa inaprubahan ng kongreso.
Dagdag pa ni Lacson, binigyan na ng direktiba ng punong ehekutibo si Executive Secretary Paquito Ochoa para sa ibababang executive order sa magiging mandato ng rehabilitation czar.
Nais din malaman ni Lacson ang lawak ng kanyang mandato at lalo’t malaking responsibilidad ang magiging trabaho nito.
Nauna ng napabalita na sa DILG napipisil umano malagay si Lacson subalit ayon sa dating senador isang challenge na maituturing ang pagtanggap niya sa posisyon bilang rehabilitation czar.
“Wala pa yung appointment letter yung order pero nagkaugnayan na kami at tinanggap ko na yung offer at inaknowledge naman niya, so mechanics na lang ng appointment at balangkas na lang ng executive order,” pahayag nito.
Ayon pa kay Lacson, komunsulta muna siya sa mga rehabilitation expert bago nya ito tinanggap. Malaking hamon umano ito sa kanya na mula sa isang law enforcement experience at public safety.
“Isa lang tinanong ko sa kanila, doable ba ito, eh sabi nila it can be done so a challenge, alam mo napakahirap ding tumalikod o umayaw sa challenge eh para bang anu ba inaayawan mo dahil mahirap? Eh unang-una di rin naman at out of character tatakbo tayo sa mga ganung challenges.”
Dagdag pa ng senador, “Ako magiging at home talaga ako kung law enforcement o kaya tungkol sa public safety ang pupuntahan kong trabaho kaya nga nabigla din ako, di ko ineexpect o inaasahan, maski sa anti corruption task force sana na binabalangkas okay din sa akin yun, pero ito talagang matagal bago ako nag-oo.” (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)