MANILA, Philippines – Inihayag ni Pangulong Benigno Aquino III na tapos na ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyaring pamamaril at pagkamatay ng Taiwanese fisherman sa Balintang Channel sa Batanes noong nakaraang linggo.
Sinabi ni Pangulong Aquino na kulang na lamang ang physical investigation sa sangkot na Taiwanese fishing vessel.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ang final report ng NBI bago ang susunod na hakbang.
Samantala, bukas umano si Pangulong Aquino na bumalangkas ng fisheries agreement sa Taiwan at iba pang karatig-bansa.
Ngunit nilinaw nito na mag-uumpisa lamang ang pag-uusap kapag naresolba na ang isyu sa napatay na Taiwanese fisherman.
Nagpasalamat naman ang Pangulo sa panawagan ng mga opisyal ng Taiwan na maging mahinahon at huwag nang idamay pa ang mga Pilipino doon.
“Ang balita natin naglabas ang prime minister ng Taiwan tsaka yung kanilang ministry of foreign minister na dapat hindi mamaltrato ang ating mga kababayan dun at nagkakaroon ng kaukulang parusa ang sinomang mapatunayan na magmamaltrato sa ating mga kababayan, nagpapasalamat tayo doon,” pahayag ni Pangulong Aquino. (Nel Maribojoc & Ruth Navales, UNTV News)