MANILA, Philippines — Pinasalamatan ni Pangulong Benigno Aquino III ang iba’t ibang grupo maging ang mga hindi nagpakilalang indibidwal na tumulong sa ating mga kababayan na biktima ng Super Typhoon Yolanda.
Sa pagdalo ng pangulo sa taunang Bulong Pulungan sa Pasay City kaninang umaga, umapela ito sa media na huwag din sanang kalimutan na ibalita ang mga taong nagsakripisyo at tumulong sa panahon ng krisis at kalamidad.
Ang Bulong Pulungan ay isang pagtitipon ng grupo ng mga negosyante at iba’t ibang media organization.
“Siguro ganoon ho talaga ang kalakaran na patuloy pa rin ‘yung tinatawag na negativism sense. ‘Pag hindi tayo naghanap ng o hindi tayo gumawa ng kontrobersya o isyu ay parang boring ‘yung ating media. Ang problema ho doon, nakakalimutan naman natin ‘yung mga tao na talaga namang may ginawa para ibsan ang kahirapan o pagdadalamhati ng ating mga kababayan,” pahayag ng Pangulo.
Sinamantala rin ni Pangulong Aquino ang pagkakataon upang magpasalamat sa mga tumulong sa mga lugar na sinalanta ng Super Typhoon Yolanda.
Aniya, “Palagay ko ito ang angkop na panahon para naman magpasalamat, at ako na ang magpapasalamat sa ngalan ng bansa sa lahat nitong mga taong ito, marami nga ‘yung tinatawag na nameless.”
Inihayag din ni Pangulong Aquino ang masidhi niyang kahilingan ngayong taon na sana raw ay wala muna tayong bagong pagsubok na maranasan.
“The wish really is center is on hopefully no more challenges on this magnitude this year.”
Samantala, naging bahagi ng pagtitipon ang pagbibigay ng parangal sa mga natatanging indibidwal.
Nabigyan ng Exemplar Award for Courage and Integrity sina Justice Secretary Leila De Lima, Ombudsman Conchita Carpio Morales at Commission on Audit (COA) chair Grace Pulido-Tan.
Tumanggap rin ng Outstanding Exemplar Award bilang Man of Steel si Pangulong Aquino mula sa buong kapulungan. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)