MACAU, China – Nag-donate ang gobyerno ng Macau ng halagang 5 million patacas o katumbas ng P27.5 million para sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda sa Pilipinas.
Personal na inihatid ni Macau Special Administrative Region, Chief Executive Chui Sai On kay Philippine Consul General Danilo Ibayan ang perang donasyon kasama ang isang liham ng pakikisimpatya sa lahat ng mga nabiktima ng bagyo.
Diretso naman itong ire-remit ng Macau government sa foreign donation account ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
“I was not expecting that much; I did not expect na ganun kalaki. So when I saw him, he even read before me, letter of sympathy sa mga biktima sa Pilipinas ng super typhoon,” ani Ibayan.
Dagdag pa nito, patunay umano ito na patuloy ang magandang relasyon ng Pilipinas sa special administrative region ng China.
Sa kasalukuyan ay nasa 18-libong overseas Filipino workers (OFW) ang naninirahan at nagtatrabaho sa naturang bansa.
“Well, it’s always excellent ang ating bilateral relationship with Macau,” saad pa ng Philippine Consul General.
Samantala, nagpaabot naman ng kanyang mensahe si Consul General Danilo Ibayan sa ating mga kababayang nasalanta ng Bagyong Yolanda.
“Well I hope our mga kababayan natin sa Central Visayas particularly Samar and Leyte provinces are strong enough to rebuild their lives and livelyhood, dahil if we have strong character malalampasan natin yan, and we will able to overcome, so have faith in god and faith in ourselves.”
Kaugnay nito, patuloy pa rin ang panghihikayat ng konsulado ng Pilipinas sa Macau sa ating mga kababayaan na tumulong sa relief operation na kanilang ginagawa. (Ramies Narral / Ruth Navales, UNTV News)