MANILA, Philippines — Nag-issue ng gag order ang first division ng Court of Tax Appeals laban sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at kampo ni Saranggani Representative Manny Pacquiao.
Inatasan ni Judge Roman Del Rosario ang magkabilang panig na huwag munang magsalita sa publiko o sa media na maaaring makaapekto sa kaso habang dinidinig pa ito ng korte.
Kaunay ito sa civil case na inihain ng BIR sa kongresista dahil sa umanoy unpaid tax nito noong 2008-2009 na nagkakahalaga ng P2.2-billion.
Sa pag-kuwenta ng BIR, aabot ng P3.2-billion ang tax liability ni Pacquiao kasama na ang interes at penalties.
Nagkasundo naman ang prosekusyon at depensa.
Sinabi ni Atty. Jason Fernandez, abogado ni Pacquiao na sakop din ng gag order ang maybahay ng kongrsista na si Jinkee, maging ang inang si Mommy Dionisia.
Ngayon araw ay nakatakda sanang dinggin ang mosyon na inihain ni Cong. Pacquiao sa Court of Tax Appeal na humihiling na alisin ang warrant of garnishment sa kanyang bank accounts na inilabas ng BIR noong October 17, subalit hiniling ng BIR na ipagpaliban ang hearing sa January 16.
Samantala, nagpaabot naman ng suporta ang mga kasamahang kongresista ni Pacquio sa kamara sa pamamagitan ng paghahain ng House Bill No. 3506.
Hinihiling nito na gawing tax exempted ang mga Filipino athlete na nakikipaglaban sa ibang bansa at naguuwi ng karangalan sa bansa, gaya ng ating pambansang kamao.
“Kung nabibigyan natin ng tax exemption yung ibang industriya o ibang sector bakit hindi natin mabigyan ng ng tax exemption yung mga kagaya ni Many Pacquiao na nakakapagbigay talaga ng karangalan sa bansa,” pahayag ni Abakada Party-list Rep. Jonathan Dela Cruz. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)