MANILA, Philippines — Nagbabala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) sa mga mamimili ngayong holiday season kaugnay ng kumakalat na mga pekeng pera.
Pinapayuhan ang publiko na maging mapanuri upang hindi mabiktima ng counterfeit money.
Ayon kay BSP Acting Deputy Director Grace Malic, ilan sa mga palatandaan ng pekeng perang papel ay kung malinaw ang kulay at imprenta ng pera.
Dapat ding tignan ang kalidad ng papel…. Malalaman kung peke kapag masyadong malambot ang papel.
Isa sa mga features sa 500 at 1,000 peso bill ay ang optically-variable device o OVD… Ito ay ang reflective foil na matatagpuan sa harapang bahagi ng paper bill. Nagpapalit-palit ng kulay ang OVD kapag itinagilid ng 90-degree angle.
Magaspang naman ang buhok ni Cory at Ninoy sa 500 peso bill kapag kinuskos ng kuko.
“Ang counterfeit, ang peke talaga namang wala itong value. Lugi po ang huling taong may hawak nito, kaya bago tayo maging biktima kaya lagi nating pinapaalalahanan ang mga tao na talagang ugaliing kilatisin ang pera para on the spot alam na nila,” ani Malic.
Ayon pa sa BSP, kung diskumpiyado o di kaya ay nakahawak ng pekeng pera, kaagad itong i-surrender sa Bangko Sentral o saan mang pinakamalapit na bangko.
Sinabi pa ni Malic na pwede rin itong i-surrender sa mga awtoridad.
“Pwede nila itong i-submit sa police para maging alert na, malay mo yung talagang nagbigay sa kanya ay mga suspect o counterfeiters o yung mga nakuhanan niya ay mga biktima rin.” (Ley Ann Lugod / Ruth Navales, UNTV News)