MANILA, Philippines — Katuwang ang grupong “Ang Dating Daan” sa pangunguna ni Bro. Eli Soriano, isinulong ni Mr. Public Service Kuya Daniel Razon ang isa sa pinakamalaking tree planting project noong 2010.
Umabot sa 70, 000 seedlings ang itinanim hindi lamang sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.
Ang tree planting activities ay taunang isinasagawa ni Kuya Daniel kasama ang UNTV at ADD bukod pa ang regular na environmental activity tulad ng clean up drive sa mga estero, lansangan, barangay, at mga paaralan.
Dahil ditto, isa si Kuya Daniel sa mga kinilala sa ikatlong Gawad Bayani ng Kalikasan 2013 na pinagunahan ng Center for Environmental Concerns–Philippines (CEC-Phils).
Ito ay bilang pagpaparangal sa mga nagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan at pagtataguyod ng kapakanan ng mga mamamayan.
“Pagkilala sa struggles at initiative somehow we can get to promote o ginagawa para sa mga mamamayan actually it’s for everyone, para sa buong bayan,” pahayag ni Frances Quimpo, CEC-Phils Executive Director.
Layunin rin ng Center for Environmental Concerns na lalo pang mapaigting ang kampanya sa pagbubukas ng kamalayan ng publiko sa pangangalaga sa kalikasan.
“Di lang pagsisikap ng mga tao para sa kanilang sarili, it’s an effort to protect the environment for everyone, and for the next generation,” saad pa ni Quimpo. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)