MANILA, Philippines — Nagpulong ang Energy Regulatory Commission (ERC) at Manila Electric Company (MERALCO) upang masolusyunan at maibsan ang mabigat na bayarin ng mga consumer sa kuryente ngayong buwan ng Disyembre.
Ayon sa MERALCO, P4.15 ang magiging generation charge, kasama na sa kompyutasyon ang ilan pang mga bayarin gaya ng transmission at taxes.
Ibig sabihin, kung ang isang sambahayan ay komokonsumo ng 200kWh na kuryente, aabot ng P830.00 ang magiging karagdagan sa kanyang babayaran.
Subalit upang ito ay maibsan, ipinirisinta ng MERALCO sa ERC ang tatlong opsyon na maaaring magawa upang hindi maging mabigat sa mga consumer ang ipapataw na generation charge sa kanilang electric bill.
Ang solusyon, hati-hatiin ito sa ilang buwan upang hindi maging mabigat sa mga customer.
Ayon sa inaprubahang opsyon ng ERC at MERALCO, ngayong buwan ng Disyembre, P2.41 ang magiging generation charge, wala namang ipapataw sa susunod na buwan ng enero, sa Pebrero P1.21 at sa buwan ng Marso ay P0.53.
Nilinaw naman ni Ivanna Dela Pena ng MERALCO na walang mapupunta sa kanila kundi ito ay pass thru charges lamang.
“Increase na hindi napupunta sa amin, ang generation charge ay bini-bill ng generators sa amin na naipapasa sa mga consumer,” saad nito.
Samantala, nagpilit namang pumasok sa tanggapan ng ERC ang ilang militanteng grupo upang i-protesta ang nakaambang pagtaas ng singil sa kuryente.
Ayon kay Eduardo Reyes, president ng Freedom from Death Coalition, hindi makatwiran ang malaking pagtaas ng singil sa kuryente.
“Sobra na ang ginagawang ito ng MERALCO, sa kalagayan ng bansa ay nahaharap sa malaking disaster na bunga ng Yolanda at papasok pa tayo sa kapaskuhan, walang konsensya.”
Ayon sa MERALCO, inaasahan na pagpasok ng buwan ng Marso at Abril, mararamdaman na ng mga consumer ang unti-unting pagbaba ng singil sa kuryente. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)