MANILA, Philippines – Naghain ng petisyon ngayong Miyerkules sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang transport group para sa hinihiling na dagdag na pamasahe sa jeep.
Kasama sa mga naghain ng fare increase petition ang transport group na Advocacy Centre for Tenants Ontario (ACTO), Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), LTOP, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at ang United Transport Koalisyon (1-UTAK).
Hinihiling ng mga ito ang P2.00 na karagdagang singil sa minimum fare sa jeepney para sa unang apat na kilometro, 35-centavos naman sa mga susunod na kilometro.
Sakaling aprubahan ng LTFRB ang kanilang petisyon, mula sa kasalukuyang P8.00 ay magiging P10 na ang minimum fare.
Ayon sa mga transport group, July 2008 pa ng huling inaprubahan ng LTFRB ang kanilang petisyong fare increase na P8.50, ngunit kusa na nilang binawas ang 50-centavos noong 2010 dahil sa sunod-sunod na rollback noon.
Sa ngayon ay plano na nilang bawiin ang binawas na 50-centavos.
Ayon kay ACTO national president Efren De Luna, ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo ang dahilan ng paghingi nila ng increase sa pamasahe.
“Kami ay nagkaroon ng provisional rollback noon eh kahit na walang public hearing pero ngayon ang original namin na pamasahe talaga ay P8.50 kaya yung 50-centavos ay pansamantala sana muna naming bawiin para hindi masyado mahirapan ang aming mga member,” saad nito.
Ayon pa sa mga transport group, hindi na nakakatulong ang Pantawid Pasada Program ng pamahalaan dahil hindi naman lahat ng driver ay nabibiyayaan ng subsidiya.
Banta ng transport groups, hindi nila tatanggapin ang Pantawid Pasada na ipapamahagi ng gobyerno.
Ang hiling nito suportahan na lang ang kanilang proposed jeepney modernization kung saan iko-convert sa Compressed Natural Gas o CNG fuel ang mga jeep.
“Gusto namin yung long term solution ang aming inilalatag. Nangapital na nga kami nag-umpisa na kami, ayaw naman suportahan. Nagkaroon ng pirmahan may press release… may MOA signing pero hindi naman itinuloy ni Secretary Petilla,” pahayag naman ni Orlando Mercado, 1-UTAK.
“Yung pondo na inaa-lot nila sa subsidiya ay itulong na lang para makapag-ayos kami ng aming makina tungkol diyan sa polusyon yung modernization payagan nila kami na makapagsimula,” saad naman ni Zenaida Maranan, national president ng FEJODAP. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)