TOKYO, Japan — Dumating na ang delegasyon ni Pangulong Benigno Aquino III sa Tokyo, Japan upang dumalo sa Japan-ASEAN Commemorative Summit sa darating na Sabado, Disyembre 14.
Sinalubong ang Pangulo nina Philippine Ambassador to Japan Manuel Lopez, Japanese Ambassador to the Philippines Tohinao Urabe at iba pang embassy at Japanese officials sa Narita International Airport.
Dakong ala-5 ng hapon, oras sa Japan nang makipagpulong si Pangulong Aquino sa Filipino community sa National Olympic Memorial Youth Center.
Sa talumpati ni Pangulong Aquino, isinalaysay nito sa ating mga kababayan sa Tokyo ang kanyang nasaksihan at ang kalagayan ng ating mga kababayan sa mga lugar na naapektuhan ng kalamidad, partikular sa Bohol at sa Visayas Region.
Sa kabila ng mga ito, ipinagmalaki rin ng pangulo na nananatiling matatag ang ating ekonomiya at hindi nawawalan ng pagasa ang ating mga kababayan.
Naging masaya naman ang ating mga kababayan sa Japan sa pagdalaw ni Pangulong Aquino. (Anna Monica Padua / Ruth Navales, UNTV News)