MANILA, Philippines – Pinaaalis sa pwesto ng Commission on Elections (COMELEC) ang 422 local government officials na nagwagi noong 2013 mid-term elections.
Ito ay matapos na mabatid ng Campaign Finance Unit ng COMELEC na may mga problema ang mga ito sa kanilang Statement of Contributions Expenditure o SOCE.
Bukod sa hindi pagsusumite ng campaign expenditure, mali o kulang ang mga inihaing dokumento, at hindi pirmado ng mismong kandidato ang inihaing expenditure report.
Matatandaan noong March 14, 2012, isang memorandum of agreement ang pinirmahan ng COMELEC at Department of Interior and Local Government (DILG) upang mahigpit na ipatupad ang pagsusumite ng SOCE.
“The provision of the RA 7166 is very clear, hindi sila dapat pwedeng mag-assume if you did not file your SOCE, eh nag-assume na sila miski na hindi sila nag-file so sinasabi namin teka muna, mag-vacate na muna kayo, base on our MOA with the DILG and with the knowledge of the House Speaker so we’re just imposing the law,” pahayag ni COMELEC Chairman Sixto Brillantes Jr.
Kabilang sa mga pinabababa sa pwesto sina Laguna Governor ER Ejercito at Batangas Governor Vilma Santos na kapwa hindi nagsumite ng SOCE.
Kasama rin si Pampanga Congresswoman Gloria Macapagal-Arroyo at Muntinlupa Congressman Rodolfo Biazon dahil sa maling form ang ginamit.
Mababalik lamang sila sa posisyon kapag nakapaghain na ng tamang requirements at makapagbayad ng administrative fine bilang late filer.
Ani Brillantes, “we expect the DILG and the Speaker will implement this immediately. Dito naman sa amin magco-comply yan eh, so makikita namin kung compliant na, sasabihan lang namin si Speaker or DILG na OK na yan.”
Dagdag pa nito, “more important is the message na hindi nyo pwdeng idisregard ang batas. At kung idisdisregard nyo mawawala kayo sa pwesto miski nanalo na kayo sa eleksyon”
Inirerespeto naman ng Malakanyang ang desisyon ng COMELEC.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi sila magaatubiling ipatupad ang naturang kautusan.
“If it’s incumbent, if it is proper thing to do, this government will not hesitate to comply,” pahayag nito. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)