MANILA, Philippines — Tinanggap na ni Pangulong Benigno Aquino III ang pagbibitiw sa tungkulin ni Presidential Communications Development and Strategic Planning Secretary Ricky Carandang.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, wala silang detalye sa dahilan ng pagbibitiw ni Carandang.
Pinabulaanan rin ng palasyo ang isyu na hindi na umano masaya ang pangulo sa performance ng kalihim.
“Well he just mentioned that he believes he has done his job, that he would like to return to private sector, and that the he will wander at the ends of the earth, seeking wisdom,” ani Lacierda.
Si PCDSPO Undersecretary Manuel Quezon III ang pansamantalang hahalili sa posisyon ng nagbitiw na miyembro ng Presidential Communications Group habang hindi pa nakakahanap ng kapalit ang Pangulo.
Wala namang ibinigay na pahayag si Lacierda kung magkakaroon ng pagbabago sa communication group ng pangulo.
Gayunpaman, may ulat na itatalaga si PCOO Secretary Herminio Coloma Jr. bilang Press Secretary.
“Wala pa kaming alam na magiging pagbabago sa istraktura that is something for us to discuss eventually kung meron man,” saad pa ni Lacierda.
Matatandaang, ilang buwan na din ang nakalilipas nang tumayong pangunahing tagapagsalita ng Malakanyang si Secretary Coloma.
Samantala, pormal nang ini-appoint ni Pangulong Aquino si Finance Undersecretary John Philip Sevilla bilang bagong commissioner ng Bureau of Customs. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)