MANILA, Philippines — Apat na bagong koponan ang lalahok sa Season 2 ng UNTV Cup na sisimulan sa Pebrero ng susunod na taon.
Sa isinagawang final briefing sa Atoy’s Bar Metrowalk sa Ortigas nitong Miyerkules, mula sa pitong team noong unang season ay sampung koponan na ang maglalaban-laban sa season 2 ng UNTV Cup.
Ang dalawang bagong team na sasali ay mula sa Malakanyang at Senado, samantalang bumuo naman ng magkahiwalay na koponan ang House of Representatives at Local Government Unit o LGU.
“The way I talk to the teams talagang they are really preparing for this kasi they are not expecting na yung 1st UNTV Cup natin ay successful and then parang na-frustrate sila na they weren’t able to fill in their best best players so now the way I look at it everybody is looking forward and beefing up their teams to be more competitive,” pahayag ni UNTV Cup Commissioner Atoy Co.
Kapwa excited naman ang Team Senate at Team Malacanang na makalaro sa public service league.
Ayon kay Kit Navea ng Team Senate, “we’re privileged na nakasama kami for the 1st time na mapapakita naming yung skills namin sa buong league na’to. It’s very challenging din and hopefully, we’re targeting for the championship.”
“Good and may disadvantage and hindi, dahil na nagkaroon na kami ng very close bonding ng Congress but then again it gives a chance for other players as well na makapaglaro both teams,” saad naman ni Dave Almarinez ng Team Congress.
Samantala, target naman ng Team Philhealth na makapasok sa Top 3 ng UNTV Cup season 2.
Napagkasunduan pa ng mga koponan sa pangunguna ng Philhealth na magkaroon ng on-site public service ang kani-kanilang ahensya habang ongoing ang liga.
“Ang Philhealth po ay kaisa ng UNTV dahil ang UNTV being a public service channel, ang Philhealth po ay walang hinangad kundi magbigay ng serbisyo sa mga miyembro, sa pamamagitan po ng palakasang laro na basketball, maipapakita po ng empleyado natin ang kanilang kagalingan at the same time hindi po tayo lumalayo sa goals ni Brother Eli saka ni Kuya Daniel na talagang tumulong sa kapwa,” pahayag ni Coach Delio Aseron ng Team Philhealth.
Ang 10 official team ng UNTV Cup season 2 ay ang Team Judiciary, PNP, AFP, Philhealth, MMDA, DOJ, Congress, LGU, Senate at Malacanang. (Ryan Ramos / Ruth Navales, UNTV News)