QUEZON CITY, Philippines — Nagbabala ang pamunuan ng Quezon City Police District sa mga tauhan nito na maglalasing o iinom ng alak ngayong holiday season habang naka-duty o nasa mga pampublikong lugar.
Ayon kay QCPD Director P/CSupt. Richard Albano, labag sa patakaran ng PNP ang pag-inom ng alak ng mga pulis lalo na kung naka-uniporme.
“Bawal yun. I-report niyo lang. That is a gross violation of specific instruction,” ani Albano.
Sinabi pa ng heneral na may karampatang parusa ang mga pulis na hindi sumusunod sa mga patakaran ng PNP.
“Naglilinis nga tayo ng tauhan. Kung may nakita kayo ay i-report niyo lang, may Facebook, meron kaming Twitter,” dagdag ni Albano.
Idinagdag pa nito na hindi masama ang magsaya ngayong holiday subalit siguruhing hindi labag sa batas. ( Lea Ylagan, UNTV News)