MANILA, Philippines – Apat na mambabatas ang posibleng mag-agawan sa house speakership pagpasok ng 16th Congress sa Hulyo.
Ito ay sina Leyte Rep. at Lakas-CMD Chairman Martin Romualdez, UNA campaign manager at Navotas Rep. Toby Tiangco, former minority leader at San Juan Rep. Ronaldo Zamora at House Speaker Sonny Belmonte Jr.
Sa mga nabanggit na pangalan, si House Speaker Feliciano Belmonte umano ang may malaking tyansa dahil sa kaalyado ito ng administrasyon.
Ayon naman kay House Minority Leader Danilo Suarez, nais nilang muling makuha ang minority seat at ang kanilang kandidato rito ay si Romualdez.
Simula sa susunod na linggo ay pupulungin na ng minority ng kamara ang mga bagong halal na district at party-list representative.
“We will try to ask them if they are interested to help Martin for the leadership of the house,” pahayag ni Cong. Suarez.
Samantala, maugong din ang balita na interesado rin umano si UNA campaign manager at Navotas Rep.Toby Tianco sa minority seat.
Gayunpaman, ayaw raw muna itong kumpirmahin ni Tianco dahil tatalakayin pa umano ito ng koalisyon.
Sinabi ni Tianco na hindi sila maituturing na oposisyon dahil handa silang suportahan ang mga programa ng pangulo lalo’t ito ay para sa taumbayan.
“I have to listen to the sentiments of our partymates sa UNA, kailangan kong madinig ang sentimiyento nila kasi it’s not the decision I can do on my own,” paliwanag ni Tianco.
Lumulutang rin ang pangalan ni San Juan Rep. Ronaldo Zamora na dati nang naging minority leader, subalit wala pa rin umanong pormal na pahayag ang mambabatas ukol dito.
Sa initial count, mayroong mahigit 100 kongresista sa kamara ang nasa Liberal Party; 14 mula sa Lakas-CMD, 20 sa Nationalist Peoples Coalition (NPC) at 8 mula sa UNA. (Grace Casin & Ruth Navales, UNTV News)