MANILA, Philippines – Hindi bababa sa dalawampu ang kaso ng mga naputukan na naitala sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ilang oras na lamang bago magpalit ng taon.
Karamihan sa mga naitalang kaso simula pa kahapon, Lunes ay bunga ng paggamit ng ipinagbabawal na paputok na piccolo.
Ayon kay JRMMC surgeon na si Dr. Emmanuel Tadifa, pinangangambahang mas tumaas pa ang bilang ng mga biktima ng paputok ngayong taon kumpara sa nakaraang taon.
Ito ay sa kabila ng mahigpit na kampanya ng Department of Health (DOH) na huwag gumamit ng paputok sa pagsalubong sa bagong taon.
“Sa ganitong trend pa lamang nakikinita na namin na dadami pa po, we don’t know the reason despite all these na ginagawa ng DOH to deter using firecracker pero madami pa ding gumagamit,” saad ni Dr. Tadifa.
Umapela naman ang mga doktor na mas makakabuting huwag nang gumamit ng paputok upang makaiwas sa peligro at sakit ng ulo.
“We just want to tell everybody that having an injury is not a funny thing it’s a very painful thing,” pahayag pa ni Dr. Tadifa.
Samantala, nagpaalala naman ang mga doktor na sakaling magkaroon ng aksidente sa paggamit ng paputok ay iwasang mag-self medicate. Makabubuting dalhin agad sa pinakamalapit na ospital ang biktima upang masuri ng mga doktor.
Patuloy namang nakaantabay ang Jose Reyes Memorial Medical Center para sa mga mangangailangan ng atensyong medikal.(Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)