MANILA, Philippines — Tinanggal na ng Quezon City Police District (QCPD) ang tape sa muzzle ng mga baril ng kanilang mga tauhan.
Ayon kay QCPD Director, Chief Supt. Richard Albano, natutuwa siya na wala sa kanyang mga tauhan ang nagtangkang alisin ang inilagay na tape sa kanilang mga serivce firearms nitong holiday season.
Wala din aniyang naitalang biktima ng stray bullets sa buong lungsod.
“Ang task ng Pulis-QC ay magbantay at ang gagawin niya ay puntahan agad kung saan yung biktima at tingnan agad kung saan galing so kanya kanyang bantay ng buong Quezon City,” pahayag ni Albano.
Gayunman, sinabi ng heneral na isang tauhan ng Kamuning Station 10 ang nagpaputok ng baril gamit ang personal firearms noong Enero 1 dahil sa away ng mga kaanak.
“We will give the full force of disciplinary action na dapat ito ay tanggalin, wala syang lugar sa PNP na mag-serbisyo yung ganitong klase,” pahayag pa ni Albano.
Idinagdag pa ng heneral na bagama’t nakapag-piyansa na si PO3 Arnold Sagun ay ipinag- utos na niyang alisin ito sa puwesto at isailalim sa masusing imbestigasyon. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)