MANILA, Philippines — Labis ang pasasalamat ng kompositor na si Rolando Dela Cruz nang tanghalin bilang unang song of the week ngayong Enero 2014 ang awitin nitong “Oh Dios Kay Buti Mo” sa A Song of Praise o ASOP Music Festival year 3, Linggo.
“Medyo naramdaman ko na parang medyo may pag-asa ‘yung entry ko dahil huli kami noh? Sabi ko, kayanin lang ni Aljon. Maibigay lang niya kahit simple lang so, sabi ko , parang may laban yata. Kahit simple ang pagkakanta niya,” pahayag ni Rolando.
Hindi rin inaasahan ng interpreter nitong si Aljon Gutierrez ang pagkapanalo ng naturang awit.
Aniya, “talagang sa kanta, sa kanta tinitingnan. Doon sa mga lyrics. Opo, hindi po doon sa intepreter although nagbibigay din po ng points ‘yung interpreter, ‘yung music. Pero ang mas tinitingnan po doon is ‘yung lyrics talaga.”
Naungusan ng naturang komposisyon ang mga awiting “Tinig” ni Froilan Canlas na binigyang buhay ng tenor singer na si Johann Enriquez, at “Be Light To My Path” na sinulat ni Maria Theresa Villareal at sa melodiya ni Dennis Damasco na inawit naman ni Hannajene Villame. (Adjes Carreon / Ruth Navales, UNTV News)