MANILA, Philippines – Patuloy na tumataas ang bilang ng mga nasusugatan sa nagaganap na prusisyon sa Quiapo, Maynila, Huwebes.
Sa ngayon ay mahigit tatlong daan na ang mga nasugatan at nasaktan ayon sa tala ng Philippine Red Cross.
Patuloy namang nakaantabay ang iba’t ibang rescue groups sa Maynila upang bigyan ng pangunang lunas ang mga nangangailangan ng atensyong medikal.
Sa tala ng Philippine Red Cross, 348 na ang mga pasyente na nadala sa mga first aid station, 133 ang nagpa-blood pressure, habang 211 ang nagtamo ng mga minor injury.
Narito ang inisyal na tala ng PRC sa nagaganap na prusisyon:
20-loss of consciousness
8-headache
23-punctured
62-abrasion
26-laceration
57-dizziness
3-suspected fracture
5-contusion
7-asthma:
Ayon sa PRC, pinangangambahan na tumaas pa ang bilang ng mga sugatan lalo na at nagpapatuloy pa rin ang prusisyon.
Taon-taon ay daan-daang mga kababayan natin ang nasasaktan at nasusugatan sa araw ng Quiapo dahil sa tulukan at siksikan ng libu-libong tao habang isinasagawa ang prusisyon.
Nagbigay naman ng paalala ang mga rescue group upang makaiwas na masaktan o madisgrasya
Lagi namang paalala ng mga rescue groups na iwasan ng lumapit sa maraming mga tao upang makaiwas sa siksikan, at huwag nang magsama ng mga buntis, matatanda, at mga may sakit lalo na mga bata upang maiwasang masaktan o madisgrasya.
Magsuot din ng tamang kasuotan at panyapak, iwasan ang pagsusuot ng mga mamahaling alahas o gadget partikular ang cell phone.
Maiging magdala ng mga candy, cracker, bottled water at uminom ng maraming tubig upang makaiwas sa heat exhaustion
Hanggang namayang gabi ay patuloy na magbabantay ang iba’t ibang rescue groups upang magbigay ng atensyong medikal sa ating mga kababayan.(Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)