MANILA, Philippines — Laking pasasamat ng PBA player na si Raymond Almazan, matapos maibalik sa kanya ang naiwan nyang iphone sa isang taxi kaninang umaga, Huwebes.
Ayon sa Rain or Shine player, napilitan siyang mag-taxi dahil coding ang kaniyang sasakyan at may practice sila sa Greenhills.
Mismong si Ms. Annie Rentoy, station manager ng UNTV Radio La Verdad ang nag-abot kay Raymond ng kanyang cellphone.
Ayon sa basketbolista, “Sobrang thankful ako kasi may mga ganung tao pa pala na sa sobrang kahirapan ng buhay ngayon eh may mga taong busilak ang loob. Very mahalaga talaga sa akin yun kasi matagal na sa akin at bigay ng wife ko.”
Kaninang umaga ay isang taxi driver ang naghatid sa UNTV ng cellphone na naiwan sa kanyang minamanehong taxi.
Ayon kay Mang Belarmino Sison, galing Pasay ang kanyang pasahero at nagpahatid ito sa Greenhills Subdivision sa San Juan, Maynila.
Kwento nito, “Mga 8:30am sumakay sa akin sa Pasay papunta ng La Salle sa Greenhills… Nakasakay siya sa aking taxi sa likod pagdaan ko sa guard hindi na check ng guard, pero di nakita ang phone. Paglabas ko nung nakalayo-layo na ako wala pa akong pasahero, nakita ko.”
Wala namang kamalay-malay si Mang Belarmino na isa palang PBA player ang may-ari ng isinauli nyang cellphone, ang mahalaga aniya ay maibalik ito agad sa may-ari.
“Unang kuha ko pa lang ma’am, naisip ko na ibabalik ko talaga sa may-ari kasi may takot rin ako sa Dios… Kung hindi sa atin yung gamit dapat ibalik dun sa may-ari,” pahayag pa ng mabait na driver.
Samantala, nais namang personal na pasalamatan ni Almazan si Mang Belarmino dahil sa kaniyang kabutihan.
“Sana yung mga katulad niya dumami pa , pagpalain siya ni God , sana one of these days ay magkita talaga kami kasi may sinabi sa akin ang coach ko sana magkita kayo kasi parang may gagawin akong na basta something na magiging masaya siya sa gagawin ko,” saad pa ng basketbolista. (Ley Ann Lugod / Ruth Navales, UNTV News)