MANILA, Philippines – Nahaharap sa malaking kompetisyon ang bansa kapag sumapit na ang ASEAN Integration sa 2015.
Sa taong ito, magkakaroon ng mas malayang kalakalan sa iba’t-ibang industriya ang Pilipinas sa iba pang mga bansa na miyembro ng Association of South East Asian Nation.
Ngunit nangangamba ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) sa magiging epekto nito sa labor sector.
Sinabi ni TUCP Spokesman Alan Tanjusay na posibleng manganib ang trabaho ng may apat na milyong construction workers dahil maluwag na makakapasok ang mga laborer mula sa ibang bansa dahil sa mas mura ang pasweldo.
Ngayon pa nga lamang aniya ay mayroon ng mga banyagang construction worker na nagtatrabaho sa bansa.
“Ang mangyayari matatalo yung ating mga construction workers. Dahil sila mababa ang sweldo tatanggap sila ng mababa at yung mga construction workers natin dahil mataas ang kanilang skills mataas ang sahod niyan,” pahayag ni Tanjusay.
Naghahanda naman ang mga pangunahing kolehiyo at unibersidad sa bansa sa ASEAN Integration upang makaakit ng maraming dayuhan.
Ito rin ang dahilan kung bakit isinusulong ngayon ng ilang unibersidad na ilipat sa Setyembre ang pagbubukas ng klase.
“Nakalagay sa ASEAN Integration by 2015 dapat yung movement ng trade and services in the region mabilis. So cross enrollment, student-faculty exchange. Papaano mama-maximize ng Pilipinas yung link with other ASEAN universities eh iba yung ating academic calendar sa kanila,” pahayag ni UP Vice President for Public Affairs Prospero De Vera III.
Dagdag pa nito, kailangan ding pabilisin ang sertipikasyon ng mga Filipino professional upang makasabay ang mga ito sa mga bansa sa timog-silangang Asya.
“Medyo nahuhuli ang Pilipinas sa certification process. Nauuna ang Singapore ang Malaysia mas marami silang professional were certified as ASEAN professionals.”
Dapat din aniyang pasiglahin ang investment sa edukasyon upang matapatan ang mga word class na paaralan sa ibang bansa.
Ayon kay De Vera, “pagnagpunta ka ngayon sa mga university sa Malaysia, university sa Thailand, maganda ang facilities nila so kailangang magsipag ang Pilipinas ang kailangang mabilis na mag-invest sa universities para maging competitive yung learning environment.
Sa ngayon ay may mga on-going ng joint program ang mga unibersidad sa Pilipinas sa ibang bansa gaya sa science and technology at agrikultura.
Ayon sa UP, posibleng sa Setyembre na ang opening ng kanilang klase sa susunod na school year kung aaprobahan ng board ang panukala.
Wala namang silang nakikita na magiging problema kahit hindi muna maisabay ang class opening ng elementarya at high school.
Hindi rin aniya issue sa kanila ang panahon sa termino ng pasukan dahil may mga eskwelahan sa bansa na halos wala nang bakasyon. (Rey Pelayo / Ruth Navales, UNTV News)