USA – Nagsisimula nang bumalik sa normal ang pamumuhay ng mga residente sa Chicago matapos ang record-breaking sub-zero temperatures nitong nakalipas na dalawang araw.
Bagama’t nananatiling malamig ang panahon sa buong siyudad, mas tolerable na ito kumpara sa naramdaman noong nakaraang araw dahil sa umiiral na polar vortex.
Sa sobrang lamig ng temperatura, ang tubig sa sikat na lake Michigan pati na ang maliliit na lawa sa Chicago ay nag-yelo.
Sa ulat naman ng weather bureau, nagsimula nang tumaas ang temperatura sa siyudad ng above zero degrees fahrenheit matapos itong bumagsak sa mahigit negative 50 degrees noong Lunes at Martes.
Sa New York City, bahagya nang humupa ang nararamdamang matinding lamig sa siyudad dahil papalabas na ng bansa ang polar vortex na umiral sa nakalipas na tatlong araw.
Bunsod ito ng high pressure sa Southwest at Northeast Amerika na nagtutulak sa polar vortex pabalik ng Canada.
Ayon sa mga weather forecast, inaasahang sa sabado ay tuluyan ng babalik sa above average ang temperatura sa malaking bahagi ng Amerika.
Samantala, isang commuter ferry naman ang humingi ng tulong matapos ma-trap sa nagyeyelong Hudson River. Wala naman sakay na pasahero ang ferry boat dahil lumabas lamang ito para sa maintenance routine.
Sa Canada, apektado na ng umiiral na polar vortex ang ilang probinsya sa Canada. Kabilang sa mga ito ay ang Newfoundland at Thunder Bay sa Ontario kung saan umaabot sa negative 33 degrees celsius o negative 27 degrees fahrenheit ang temperature.
Naging dahilan din ito ng malawakang power failure na nakaapekto sa libu-libong residente sa Newfoundland.
Sa Toronto, pumalo sa negative-15 degrees celsius ang temperatura. Bunsod nito, umakyat na sa 23 ang bilang ng mga nasawi sa matinding lamig sa buong Amerika.
Patuloy din ang buhos ng snow sa mga apektadong estado kung saan nakataas pa rin ang winter at blizzard warnings sa bahagi ng Oklahoma, Kansas, Missouri, Arkansas, Tennessee at Mississippi.
Ayon sa US department of energy, 41-libong mga residente ang walang supply ng kuryente sa ngayon dahil sa masamang panahon. (UNTV News)