MANILA, Philippines — Hindi imposible, ngunit malabong magkaroon ng iisang currency ang mga bansa sa Southeast Asia.
Ito ang pahayag ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Deputy Governor Diwa Guinigundo sa isang panayam ng UNTV nitong Huwebes.
Aniya, maging ang European Union na nag-adopt ng iisang currency na euro, ay nagkaroon ng ilang problema noon.
Paliwanag ni Guinigundo, dahil sa iba’t ibang lebel ng development, dynamics, takbo ng ekonomiya at financial market sa labing-walong mga bansang bumubuo sa European Union, dapat ay magkakaiba rin ang exchange rates ng mga ito.
“Kung ang iba dapat mataas ang appreciation, kasi iba malusog, yung iba hindi masyadong malusog ang economy, dapat nagde-depreciate ang currency, hindi magawa yun kasi isa lang ang currency,” saad ni Guinigundo.
Ilan sa mga disadvantage ng single currency ay ang pagkawala ng independent monetary policy at tools, gaya ng interest rates, na maaari sanang makatulong sa financial services ng isang bansa.
Sa sitwasyon dito sa Southeast Asia, magkakaiba ang mga political system at lebel ng development ng mga bansa.
Maliban dito, malaki rin ang gap ng ekonomiya sa mga Southeast Asian nation.
Aniya, “Dito kasi sa Asia na lang halimbawa, meron kang Singapore, Malaysia, Thailand, Philippines… tapos may iba pang bansa sa Asia na hindi pa masyado ganap ang development nila sa kanilang economy at financial markets… so napakahirap na pag-isahin ang currency ng mga bansang ito na ang level at antas ng kabuhayan, development ng capital markets ay iba-iba.”
Sa kabila nito, may ilang benepisyo rin ang maaaring makuha sa single currency, kabilang na rito ang mas mababang transaction cost at exchange risk, at price stability.
Paliwanag ni Guinigundo, “paghaharmonize ng mga rules and conventions ng buong ASEAN na pwede kang bumili ng stocks dito sa Pilipinas mula sa nandon ka sa Singapore, Malaysia o Thailand, para mas mabilis ang development at investment ng mga tao dito sa ating rehiyon kesa sa pupunta ka pa dito.”
Dagdag pa umano dito ang mas malayang pagpasok at paglabas ng dolyar sa rehiyon sa pamamagitan ng pag-liberalize ng capital account, o pagregulate ng foreign exchange transaction sa mga bansa.
Ngunit para kay Guinigundo, sa halip na pagdesisyunan ang usapin sa single currency, mas mabuti nang pag-ibayuhin muna ng mga bansa sa Southeast Asia ang kanilang kooperasyon sa iba’t ibang larangan, lalo na sa trading. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)