DAVAO, Philippines — Idineklara na ang state of calamity sa buong Davao Oriental dahil sa lawak ng pinsalang idinulot ng mga pagbaha at landslide sa probinsya dahil sa low pressure area o LPA.
Pangunahing problema ngayon ang pagpapaabot ng relief goods sa mga munisipalidad ng Baganga, Cateel, Boston at Caraga dahil nasira ang lahat ng tulay na nagdurugtong sa mga ito.
May apat sanang ruta papunta sa mga lubhang naapektuhang munisipalidad ngunit dahil sa mga nasirang tulay ay hindi pa ito mapasok.
Hindi rin magamit ang mga military choppers dahil hanggang sa ngayon ay masama pa rin ang panahon sa lugar.
Dahil dito, inatasan na ni Davao Oriental Governor Corazon Malanyaon ang lahat ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) na bilhin muna ang mga laman ng groceries sa kani-kanilang lugar at ipamahagi sa mga apektadong residente.
Binisita naman kanina ng gobernador kasama ang regional director ng Office of Civil Defense, mga militar at PNP ang Brgy. Marayag sa Lupon, Davao Oriental na isa sa mga lubhang napinsala dahil sa pagragasa ng flash-flood.
Makikita sa lugar ang naglalakihang bato mula sa kabundukan at mga troso na umagos at sumira sa mga bahay sa nasabing barangay. (Louell Requilman / Ruth Navales, UNTV News)