MANILA, Philippines — Tumaas pa ang bilang ng mga pasaherong stranded sa mga iba’t ibang pantalan dahil sa low pressure area na nakaaapekto sa bansa.
Sa update ng Philippine Coast Guard (PCG), umabot na sa 4,217 na mga pasahero sa Bicol at Visayas ang stranded dahil sa pagkansela ng mga biyahe ng barko.
3,870 naman ang stranded sa Matnog, Sorsogon, habang 347 sa Cebu, at may ilan pa sa Tagbilaran City, Bohol.
Dalawampu’t pitong biyahe ng barko na ang kinansela sa mga naturang lugar, habang apat na motor bancas naman ang naitalang stranded sa karagatan.
“Yung mga stranded, hino-hold na lang namin sa terminals kesa umalis sila sa mga lugar na kung saan sila nagstay, para maiwasan ang aksidente,” saad ni PCG Lt. J.G. Joeliza Barbaza.
Inaabisuhan naman ng PCG ang ating mga kababayan na may biyahe o papunta ng mga puerto na huwag nang tumuloy para hindi na madagdagan ang bilang ng mga stranded na pasahero.
Pinapayuhan rin na manatiling nakaantabay sa advisory ng PAGASA.
Samantala, ipinahayag rin ng Philippine Coast Guard na lalo nilang pinaigting ang preparasyon sa mga pagbaha.
Ayon kay Barbaza, “may mga bago na po kaming rubber boats na pwede nang ideploy. So unlike before na kinukulang kami sa mga equipment, ngayon po umaasa kami na sa tulong ng bago naming mga rubber boats at karagdagang tauhan, makakapag-respond kami nang mas maaga.”
Sa ngayon ay wala pang naitatalang rescued persons ang PCG, ngunit patuloy aniyang nakaalerto ang kanilang mga diver sa mga lugar na may gale warning at apektado ng LPA. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)