MANILA, Philippines — Umaabot na sa mahigit 4-milyong voter’s ID ang hindi pa nakukuha ng mga botante sa mga tanggapan ng COMELEC sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kaya naman, nanawagan ang Commission on Elections na i-claim na ang mga ID mula pa noong 2004 elections.
Ayon sa COMELEC, hindi kasama sa unclaimed ID ang 2013 election registrants sapagka’t hindi pa naipoproseso ang mga ito.
Upang malaman kung naimprenta na ang inyong ID, maaaring bisitahin ang COMELEC website o kaya’y mag-inquire sa email, twitter o tumawag sa telepono sa kanilang social media support unit.
Ibigay ang pangalan, birthday at kung saan nagparehistro upang ma-check bago pumunta sa field office.
“Marami kasi na meron expectation na either ipadadala sa kanila or tatawagan sila kapag available na yung ID. Hindi po ganun. So kelangan babalik kayo, iche-check nyo yung ID nyo. Then we try to help them to track it down. Kasi minsan in transit pa yung cards or kung minsan nandun na at hindi lang nila nahahanap dun, we can help in either way,” pahayag ni COMELEC Spokesman Dir. James Jimenez.
Nilinaw naman ng COMELEC na hindi requirement ang pagkakaroon ng voters ID upang makaboto sa eleksyon subalit dahil ito ay government issued ID, magagamit ito sa iba’t ibang transaksyon bilang valid ID.
Naka-designed ito na 2D bar coded at libreng makukuha ng botante.
Pahayag ni Jimenez, “Napakahalaga niyan kasi that’s given full faith by a lot of commercial establishment. It’s also used for a lot of government services.”
Target ng COMELEC na mai-distribute ang karamihang ID bago muling magsimula ang continuing voters registration sa Abril ngayong taon hanggang October 2015.
Ito naman ang pagkakataon sa mga deactivated voter na ipa-validate ang kanilang records sa biometric system.
“Maraming nanghihingi, sabi nila nagparehistro ako noong 2006 tapos nalaman nila hindi pala sila nakaboto ng 2 sunod, deactivated sila. Maari yun ang dahilan kung bakit ayaw silang bigyan ng ID ng field. So we have to explain that also,” pahayag pa ni Jimenez.
Pinakamaraming bilang ng undistributed ID ang region 4A na may pinakamalaking bilang ng mga botante sa buong bansa. (Pong Mercado / Ruth Navales, UNTV News)