MANILA, Philippines — (Update) Pinangangambahang tumaas pa ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng low pressure area o LPA sa bahagi ng Mindanao.
Sa pinakahuling tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 13 ang bilang ng mga kumpirmadong nasawi.
34 ang naitalang nasugatan, habang 7 ang nawawala at patuloy na pinaghahanap. Anim sa mga nasawi ay mula sa Compostela Valley at pito ay mula sa Davao Oriental.
Umabot na rin sa 132,379 ang bilang ng apektado ng mga pagbaha sa sampung probinsya ng Region X, XI, CARAGA. Marami ang nagkusa nang lumikas at pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation center.
Samantala, pahirapan ngayon ang pagdadala ng mga relief goods dahil mahigit dalawampung mga kalye ang hindi madaanan at 13 mga tulay ang nasira ng pagragasa ng tubig.
Nag-over flow ang Saug River sa Asuncion, Davao Del Norte at Libuganon River sa Kapalong, Davao Del Norte.
Sa ngayon ay 113 mga bahay ang totally damaged, at 138 ang partially damage.
Pinangangambahang malaking bahagi ng agrikultura ang nasira sa bahagi ng Mindanao na umabot na sa 8,282 ektarya ng lupain.
Hanggang sa ngayon ay suspendido ang klase sa malaking bahagi ng Surigao Del Norte at Compostela Valley bunsod pa rin ng LPA. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)