MANILA, Philippines – Hindi tatanggihan ni Senador Alan Peter Cayetano kung siya ang ihahalal na susunod na senate president sa pagbubukas ng 16th Congress.
Ayon sa senador, interesado siya sa nasabing posisyon ngunit hindi siya nagla-lobby sa kanyang mga kasamahang senador.
Naniniwala rin si Cayetano na bukod sa kanya ay marami pang senador na interesadong maging liderato ng senado.
“I think everyone is interested, but the question is… are you actively pursuing it. I’m not actively pursuing it kung magkaroon ng consensus kung ang majority say we want, but if Senator Drilon says… I don’t want it I want Alan, bakit mo tatangihan di ba… Ipokrito lang magsasabi na tatanggahin nila yung senate presidency.”
Bukod kay Cayetano, matunog din ang pangalan ni Senador Franklin Drilon na nagsabing ipauubaya na sa kanyang mga kasama sa koalisyon kung sino ang kanilang pipiliin.
Maugong din ang pangalan ni Senador Serge Osmeña na kabilang sa itinuturing na kaalyado ni Pangulong Aquino.
Ayaw namang pakialaman ng palasyo ang pagpili sa susunod na senate president.
“Bahala na po yung mga senador kung sino ho yung mga magiging bagong lider nila,” pahayag ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte. (Bryan De Paz & Ruth Navales, UNTV News)