MANILA, Philippines — Nakipagkita na kay Justice Secretary Leila De Lima ang negosyanteng si Davidson Bangayan at itinanggin ang paratang sa kanya.
Ayon kay Bangayan, nagpasiya siyang makipag-usap sa kalihim matapos lumabas ang kaniyang litrato na itinuturong big time rice smuggler.
“Hindi daw siya si David Tan, siya raw si Davidson Bangayan but he does not use the name “David Tan”. So he’s denying that he’s engage in rice smuggling,” pahayag ni De Lima.
Dagdag pa nito, “He says that he is willing to cooperate. So I said, if you are willing to cooperate, can you please proceed now to NBI and submit a statement to the NBI.”
Sinabi umano ni Bangayan na pagbebenta ng scrap metal at abono ang kanyang negosyo ngunit aminado itong nagnenegosyo rin ng bigas.
“He admits na meron daw siyang kaunting rice business, hindi raw ganun kalaki and therefore hindi raw siya yung big-time smuggler na yan.”
Ngunit nang magtungo sa NBI si Bangayan upang magbigay ng kanyang salaysay, inaresto ito dahil sa kasong paglabag Republic Act 7832 o Anti-Pilferage Law.
Ang naturang batas ay nagpaparusa sa mga mapapatunayang nagnanakaw ng power transmission lines at materials o ilegal na gumagamit ng kuryente.
Ayon kay De Lima, inisyu ng Caloocan City RTC branch 126 ang warrant of arrest noong October 2010 laban sa isang David Tan.
P40-libo ang piyansang itinakda ng korte para sa pansamantalang kalayaan nito.
“There is a certified true copy of a warrant of arrest secured by the NBI very recently, that is January 7, 2014. So since nagpakita na sa kanila kanina they decided to serve the warrant of arrest on his person. They will immediately present him to the court which issued that warrant of arrest and I understand that is a bailable offense,” saad pa ni De Lima.
Sinabi pa ng kalihim na inaresto si Bangayan dahil sa paniwala ng NBI na siya rin si David Tan.
Bahala na umano si Bangayan na patunayan sa korte na hindi siya ang itinuturong big-time rice smuggler. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)