MANILA, Philippines — Tiniyak ni Pangulong Benigno Aquino III na walang magaganap na rotational brownout sa Luzon kaugnay ng hindi nasingil na power rate increase ng Manila Electric Co. (MERALCO).
Hindi na umano makakabayad ang MERALCO ng generation at transmission charges dahil sa inisyung temporary restraining order o TRO ng Korte Suprema sa mahigit apat na pisong increase sa singil sa kuryente na tatagal ng 60-araw.
Ayon sa pangulo, “naninigurado tayo hindi magkakaroon ng rotating brownout dahil technically meron tayong enough na supply if not even a surplus currently for Luzon.”
Kaugnay nito, inihayag din ni Pangulong Aquino na hindi niya kailangan sa ngayon ang emergency powers upang solusyunan ang naturang problema.
“Hihingi ka ng power para tugunan ang partikular na problema so tinatapos muna namin dine-define anu ba ang problema para malaman ang solusyon, and I just want to emphasize I’ll never ask for it,” saad nito.
Dagdag pa ng pangulo, “in times of emergency we do we have emergency powers already in the constitution that authorized us to take over certain industry.”
Hindi rin sang-ayon si Pangulong Aquino sa panukala ng ilang mambabatas na i-revoke o bawiin ang legislative franchise ng MERALCO dahil sa umanoy’ hindi makatuwirang pagtataas sa singil sa kuryente.
Aniya, “sa akin premature naman yata yang magsabi niyan pero naiintindihan natin magandang paraan yan para makakuha ng headline.”
Sa ngayon ay patuloy na pinagaaralan ng pamahalaan ang mga paraan upang malutas ang problema sa pagtaas sa singil sa kuryente, at mabantayan ang posibleng paggalaw ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa bansa. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)