MANILA, Philippines – Hindi na makaka-biyahe ang 78 units ng Don Mariano Bus Lines matapos kanselahin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board ang prangkisa ng kumpanya ngayong Martes.
Bunsod ito ng sunod-sunod na aksidenteng kinasangkutan ng mga bus ng kumpanya na ang pinakahuli ay ang pagkahulog sa skyway ng isa nitong bus na ikinasawi ng 19 katao kabilang ang driver.
Batay sa naging desisyon ng LTFRB, hindi nakapag-comply ang Don Mariano sa tinatawag na certificate of public conveyance na makapagbigay ng ligtas at maayos na transportasyon sa publiko.
Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez, bagsak din sa worthiness inspection ng LTO ang naturang bus company.
Ipinapasauli din ng ahensya ang lahat ng yellow plates ng pitumput walong units ng bus upang sirain at hindi na magamit.
Nilinaw ng LTFRB na malabo nang mailipat sa ibang kumpanya ang mga bus units o di kaya’y magamit pa dahil mayroong umiiral na moratorium sa pagbibigay ng prangkisa.
“Definitely, hindi po yan pwede dahil may moratorium tayo, they are not allowed to apply with the central office or any of our regional offices,” saad ni Ginez.
Tiniyak naman ng LFTRB na sapat pa rin ang bilang ng mga bus na bumibiyahe sa rutang Novaliches-Baclaran bagama’t kanselado na ang lahat ng units ng Don Mariano.
Binigyan naman ng 15 araw ang Don Mariano upang makapag-sumite ng motion for reconsideration sa LTFRB.
Ayon naman kay Atty. Jason Cantil, ang abogado ng Don Mariano Bus Transit, mas mahihirapan sila ngayong magbigay ng suporta sa mga biktima dahil natigil na ang operasyon ng kanilang negosyo.
Mahigit dalawang daang empleyado din ng kumpanya ang mawawalan ng trabaho dahil sa naturang desisyon.
Sa kasakukuyan ay mahigit labing isang milyong piso na ang nagastos ng kumpanya sa pagpapagamot at pagpapalibing sa mga biktima ng trahedya.
“Yung source of income namin ay yung sa operation namin, pag nai-stop na yung operation saan kami kukuha, titignan namin kung may sufficient asset kami,” pahayag ni Cantil.
Taong 1987 nang maitatag ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board at ito ang kaunaunahang pagkakataon na permanenteng nagkansela ng prangkisa ang ahensya. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)