ISRAEL — Napahanga ng Filipina caregiver na si Rose “Osang” Fostanes ang mga manonood at hurado sa kanyang rendisyon sa awiting “My Way” na pinasikat ni Frank Sinatra, dahilan upang tanghalin na kauna-unahang grand champion ng X-Factor Israel.
Umani ng pinakamaraming boto ang Pinay caregiver mula sa mga viewer ng show.
Agad namang pinasalamatan ni Osang ang lahat ng Pilipino at Israeli na sumuporta sa kanya sa kompetisyon.
“Thank you so much for those people who vote on me and who believes in me, thank you so much to all Israeli who who likes my voice, who likes my song and all the Filipinos that supports me,” pasasalamat nito.
Bukod sa kaniyang “My Way” performance, nag-duet sina Osang at ang kaniyang mentor na si Maimon sa awiting “If I Ain’t Got You” ni Alicia Keys.
Mula pa lamang sa audition ay gumawa na ng pangalan ang ang 47-year-old na caregiver. Binigyan na rin ito ng standing ovation ng mga judge sa ilang performance nito.
Ilan sa mga tumatak na performance ni Osang sa show ay ang pag-awit nito ng “I Am Beautiful” ni Christina Aguilera” at “Bohemian Rhapsody” ng Queen.
Proud naman ang mentor nitong si Shiri Maimon dahil sa narating ni Osang mula nang sumali ito sa reality singing competition.
Si Osang ay inihalintulad ng international media kay Scottish singer Susan Boyle na noo’y sumali rin sa isang reality singing competition at ngayo’y isang ng multi-million selling recording artist.
Ang Taguig native ay nag-aalaga ng 50-anyos na matanda sa Tel Aviv upang makaipon at makapagpadala ng pera sa kanyang pamilya sa Pilipinas.
At kahit nagiisang Pilipina ay lakas loob itong sumali sa X-Factor Israel sa tulong ng kanyang kaibigan sa layuning maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya.
Sa ngayon ay hindi pa malinaw kung sasabak sa singing career si Osang matapos ang tagumpay sa kumpetisyon bagama’t una na nitong sinabi na manalo man o matalo ay babalik pa rin siya sa pagiging isang caregiver. (ROSELLE AGUSTIN / UNTV News)